ASO

Napakasama ng pakiramdam ko, magmula sa kuko hanggang sa split ends ko. I feel really bad. Iningles ko lang para sa mga maaarteng bumabasa ng blog ko na nagsasabing "Tagalog talaga?"


Ginusto mo na ba'ng maging ibang tao? Kahit sino huwag lang kung sino at ano ka ngayon? Naisip mo na ba na hindi ka karapat-dapat? Ikaw ba ay nalulungkot, nalulumbay at nananamlay? Masakit ba ang kasukasuan mo? Magpatingin ka na. Sakit na 'yan. "wala kang choice" kung dinadapuan ka ng matinding sakit. Wala kang choice kung mamamatay ka na, wala kang choice kung hindi mo kayang tapatan ang pagmamahal na hinahanap niya. Wala kang choice.


Ang galing talaga ng tao, pag nasasaktan tumatalino. Nagpapagupit ng parang pang grade 5 at nagsasalamin kahit walang grado. Bakit ba buhok ang unang pinagti tripan natin? ... Sa loob loob mo, para maiba naman pero ang totoo naghahanap ka lang ng atensiyon, na baka sakali ay mapansin niya ang bagong gupit mo. Dadaan ang maraming mga araw at mga bote ng beer. Hanggang sa mapagisip-isip mo na mukha ka nang pitsel na gasgas sa dami ng nainom mo. Unti unti aayusin mo ang sarili mo at sasabihin sa sarili ng pabulong, sa mahinang mahinang boses, habang nakatingin sa malayo, hingang malalim at higop ng kape..."I WILL NEVER LET ANYTHING OR ANYBODY HURT ME AGAIN..." Hithit ng yosi.


Tumitibay nga ba tayo 'pag nasasaktan? Matibay ka ba kapag tinatakasan mo ang mga hindi maiiwasan? Matibay ka ba kapag winawaksi mo sa isip mo ang mga nagpapalungkot sa iyo? Kapag tinatakbuhan mo ang pag-ibig kapag nakakaramdam ka ng kirot? Talikuran ang commitment dahil ayaw mo na umasa? Matibay ka ba? Nagbibingi bingihan ka kapag nakarinig ka ng masakit na mga salita. Pinapagpag ang ulo 'pag nalulungkot ka. Naghahanap ng ibang maiisip, lumilinga linga, tumatawa ng parang tanga lang. Ah, matibay.


---


Hindi ka na nasasaktan. Maaaring napakagaling mo nang umilag sa battlefield ng buhay na inuulan ng sibat ng pagsubok.











Nagiging makasarili na ata ako sa tuwing sinasabi ko na hindi ko hahayaang masaktan ako sa pagmamahal. Dahil kasama sa pagmamahal ang sakripisyo. Parang sinabi kong huwag na lang magmahal kung mahihirapan din lang.