Sabi ng nabasa kong magasin na irreversible daw ang pagkasira ng braincells natin. Nasisira naman ang mga ito dahil sa sobrang pag inom ng alak. Isa sa mga sintomas daw ay ang pagbabasa ng mga librong corny, pag ngiti mag isa at ang mlei mleing spelimg. Naisip ko tuloy, ilan kaya ang nasisirang braincells sa kada bote ng alak na iniinom natin? Naisip ko lang yun para ma budget ko naman. Sasaktuhin ko lang mga tipong hanggang 68 years old bago ko i-inom ang nahuhuling hibla ng braincell ko. Sa tindi ba naman ng teknolohiya ngayon ay malamang balang araw ay matutunton na nila at makikilala ang mga function ng bawat braincell. At pag nagkaganoon, syempre ititira ko ang braincell na nagpapanatili ng kakayahang humawak ng bote. Malas mo pag namatay ang braincell para sa paglunok. Hindi naman ako hayok sa alak, nakakatawa lang isipin kung ano ang handang ipagpalit ng mga tao para lang sa tinatawag na pleasure (pag "pleasure" ang huling salitang nabasa mo bago ang parenthesis, ibig sabihin ay hindi rin alam ng editor ang translation). Nagkalat ang mga babala sa bawat produkto. "Smoking Kills", "Cigarette Somoking is dangerous to your health", "Drink Moderately", "Bawal Tumawid, Nakamamatay", "Bawal Umehe Detu, Potol Tete" at marami pang iba na winawalang bahala ng mga tao mapa Tagalog man o Ingles and pagkakasulat. Handang handa tayo harapin ang kabayaran sa pagwawalang bahala sa nasabing mga babala alang-alang sa hilig ng laman. Hindi ko lang alam kung mamatamisin ko pang umihi sa ipinagbabawal na pader ng isang construction site matapos mabasa ang karampatang parusa sa mga mahilig magiwan ng kanilang marka sa pader. Nakakatawa pero tila maraming mga pinoy ang handang harapin ang kabayaran ng kanilang mga ipinagbabawal na mga gawain. Bakit kaya napakahilig natin sumuway sa mga patakaran at mga batas? Naisip ko tuloy kung talagang nahubog na natin ang ganitong rebeldeng ugali dahil sa kasaysayan natin ng pirming pakikipaglaban at pagsalungat sa pamumuno magmula pa sa mga taon ng pagsakop sa atin. Magpahanggang sa kasalukuyan ay sige parin ang pagsalungat natin mapa sino pa man ang sinasalungat, basta makasalungat lang. Parang adik lang na nagti trip matapos humithit ng swelas ng Rambo.
Naisip na ba natin kung ano talaga ang gusto natin? Minsan para bang ang tama ay palaging nagmumula sa pagsalungat sa kasalukuyang sistema. Sa oras na maipihit na ng direksiyon ang takbo ng mga bagay ay nauna na rito ng mga dalawang segundo ang pagsalungat. Bago pa kumanan ay naisip na nating kumaliwa. Mabuit pa yata ay Kung gusto mong gawin ang isang bagay ay sabihin mo na gagawin mo ang kabaligtaran. Sa ganito bago mo pa simulan ang gagawin mo ay nasunod mo na ang pagsalungat na inaasahan mo. Magiging maayos na ang lahat. Payapa. Sama-sama. Masaya. Wala na akong masabi. wala nang magsasallita. Wala nang boses ng masa. Mamang naka megaphone: "Walang boses ang masa?!...Teka kailangan ko magsalita! Hindi puwedeng mawalan ng boses ang masa!" Dapat may gulo. Dapat may mali para lumabas ang tama. Pag lumabas na ang tama at katotohanan tahimik na ang lahat. Wala ng boses ang masa. Mamang naka megaphone: "Walang boses and masa?!"(sasampalin ang mama). Gulat ka 'no?
Ano nga ba ang konsepto natin ng "tama" at "dapat"? Tila nawalan na tayo ng objective sa pagtugis natin sa pinoy version natin ng "American Dream". Kakatugis natin sa mga ideolohiya natin, nakalimutan na natin kung ano ang tinutugis natin. Parang bata lang na tumatakbo sa pilapil habang hinahabol ang isang paru-paro. Kakahabol niya rito ay nakalimutan na niya kung bakit siya tumatakbo. Takbo na lang ng takbo. Wala nang hinahabol. Ganoon lang. Natuwa na siya sa pagtakbo at paghabol sa wala habang ang hinahabol niya ay nakadapo na pala sa kaniya. Hindi niya naiintindihan ang ginagawa niya, kung mayroon man itong halaga at makakadagdag sa pagkatao niya. Takbo lang. Lilipas ang araw na iyon at marami pang mga araw ang dadaan na muli't muli ay tatakbuhin niya ang pilapil, hahabulin ang mga paru-paro na para bang ginawa lang ang mga paru-paro para habulin at hulihin. Gaya ng marami sa atin na gumawa ng mga bagay na walang kahulugan at mga bagay na wala namang maliwanag na kontribusyon at kapakinabangan sa ating pagkatao, siya ay magkakaedad at magkakaisip rin. Matututunan niyang boring ang kwentong ginawa ko sa buhay niya. Puwede namang lumambaras sa puno, makipaglaro sa kapitbahay, magpiko, shato, tumbang preso at marami pang ibang masasayang laro na hindi 'sing boring at wirdo ng paghahabol sa paru-paro lalo na kung lalake siya. Sa pilapil pa. Matapos pagtawanan ang sarili at maisip niya lahat ng mga walang kuwentang pinag gagawa niya, mapagtatanto niya na napakaikli ng buhay ng tao.
Sa dami ng gusto natin gawin, parang kulang na kulang ang mga taon. May mga bagay din tayong gustong maging, at mga bagay na gustong mangyari sa atin pero kulang tayo sa requirements. Madaming requirements ang buhay. Sa modeling kelangan gwapo ka. Sa skwela kelangan matalino ka, kung minsan kung mayaman ka pwede na rin. Sa pag aasawa kelangan may pakakasalan ka, alangan magpakasal ka sa sarili mo. Kahit gano mo kamahal ang sarili mo, kahit sino'ng pari ay sasampalin ka ng bonga para magising ka sa kawalanghiyaan mo. Pero kung minsan, kung may pera ka pwede na rin. Pumunta ka sa Las Vegas, gumawa ka ng bagong batas. Lahat sa Amerika nagagawan ng paraan. Parang sa Recto lang, ang kaibahan lang sa Recto mas sosyal, kasi pag hindi mo nagustuhan ang trabaho, imbes na magdemandahan kayo, bibigyan ka na lang nila ng libreng gripo.
Sa hirap kasi ng buhay natin, napakarami nating gustong gawin para mabago ang takbo ng mga pangyayari. Nakakasawa nang mag uwi ng pansit, bukod sa, nagmamahal na ang atay kaya kikiam na lang ang laman, madalas pang namamatay ang naguuwi nito lalo na kung ikaw ay mabuting kuya na nagtatrabaho sa pabrika bilang guwardiya. Balik sa pansit. Gusto naman natin maguwi ng Pizza paminsan minsan at maibili si nanay ng Gucci na relo na para bang bumibili lang tayo ng gulaman. Hindi naman masyadong mataas ang pangarap natin na pagbabago. Gusto lang natin palitan ang pangulo para pag napalitan na, papalitan ulit. Lalo na pag nagmahal ang galunggong, siguradong mag iipon ipon na ang mga militar at isasara ang Ayala, ilalabas ang mga state of the art na tora-tora at alternately bobombahin ang malacañang. Galing.
Pagbabago.
Para sa mga taong ipinanganak noong sikat pa si Randy Santiago at nasubaybayan ang Valiente at Mara Clara, alam nyo na "Hindi nga masama ang pag-unlad. At malayu-layo na rin ang ating narating", (humming) (humming), subo ng star kist,
Ang mga duming ating ikinalat sa hangin
Sa langit, 'wag na nating paabutin (Humming) (humming), subo ng star kist, naghahanap ng free na laruan o kaya'y piso.
Tanong: Ano nga ba ang totoong tittle nitong kantang ito?
a. Wala Ka Bang Napapansin?
b. Napapansin
c. Kapaligiran
(Pupusta ako ng limang piso na mali ang sagot mo.)
(Another P5, titingnan mo sa Internet kung ano nga ba ang tittle nito)
Paki send na lang ang bayad sa BPI acct number: 10122698-7
Ano nga ba ang masama sa pagunlad? Sa sarili man o sa pangnakararami, ang pagunlad ay hindi tatangihan. Tatangi ka ba sa 5M piso kung ang gagawin mo lang ay kumanta-kanta sa TV at sabihing napakabuti ng taong ineendorso mo? Syempre hindi, pag unlad yan. Ang tanong, Pag-unlad nino?
Itutuloy