Bratattatatat!... Bratatt!... Brat! Braatattat! "Oi 'tangna mo junjun andiyan ka pala sa kabila!" Yan ang pangkaraniwan mo nang maririnig ngayon sa bawat kantong madaanan mo kung susubukan mo'ng maglakad mula sa kanto hanggang sa bahay niyo. Makikita ang mga batang edad 8 hanggang 38, nanggigitata at nakatutok sa computer screens sa madilim na silid ng kompyuter shop na parang mahuhulaan mo na ang amoy dahil na rin sa paskil ng masungit na may-ari - "Bawal Maglaro and Hindi Naligo". Kung malampasan mo ito ng hindi pa sumusuot sa utak mo ang mala demonyong halimuyak ng nasabing palaruan sa unang kanto, ay mapapansin mo ang mga nakauniporme pang mga kabataan na nagtutumpukan sa labas nito. At kung pakikinggan mo ang usapan ay iisipin mong sabog ka o di kaya'y nasa planeta ka ata ng mga salamangkerong hayskul. Para bang sa ilang saglit lang ay lalabas na ang tropa nilang si Harry Potter. Ito ay dahil sa mga pinag uusapan nilang mga kapangyarihan nila tulad ng
Wonder powder at
healing potion. Bagong drugs kaya ito?... Tuloy sa paglalakad. Mukhang 'di mo kayang bilhin ang mamahalling droga. 1065859852965950+2
3620+
62+62
32+
62562
6352;lmo;jlk;/;lknkbnhnghtyfuft8yh78yh7uhu521
0
3232615161156jbhu-0
25
Nag aamok ang bestfriend ko. Balik sa kuwento.
Kapag narating mo ang susunod na kanto ng hindi ka pa na ta-transform sa palaka ng mga nadaanang salamangkerong hayskul, ay mapapansin mong iba naman ang tripping dito. Walang paskil ng "Bawal Maglaro ang Mabaho". Aba, kaaya-ayang pasukin. Mukahang malamig, tahimik at may lighting epeks pa. Hindi naman ako nagmamadali kaya inusyoso ko ang laman nito. Pagpasok ko ay tahimik ang lahat at tila mga operator ng PLDT dahil sa mga nakasukbit na mga headset at may mga kausap sila sa webcam. Dito ka makakakita ng mga kakaibang uri ng mga nilalang.
Nakakatuwang makita na kapaki-pakinabang ang teknolohiya para sa mga kabataan sa ngayon. Tulad ng nakita kong neneng na malamang ay nasa mga edad 12 na mas mabilis pang magtype kaysa sa akin. At! hindi tumitingin sa keyboard. Galing ah... Magpapaturo sana ako ng typing expertise niya pero hindi ko na inabala dahil mukhang abala siya sa pagre-research sa internet. Makalipas ang ilang saglit ng pagkakangiti ko sa neneng ay agad itong nasira at ako'y naalibadbaran ako makalipas ang mga limang segundo nang makita ko ang katabi ng pobreng nene na hindi ko mailarawang uri ng halimaw na tila umahon pa sa kaibuturan ng lupa. Parang puwede mo nang taniman ng kamote ang pisngi nito sa kapal ng
foundation, nagmumurang
noseline, at walang sing tingkad na
blush on na parang sinapak ni Chuk Lidel ng UFC. Wakanangjolens talaga. Kulang na lang ay madurog ang webcam sa tindi ng pagkakaduldol niya ng kaniyang dibdib rito, malamang ay para takutin ang kausap na 'kano. Mga 2 segundos pa ay napagtanto kong inaakit niya pala ang kausap sa pamamagitan ng kaniyang dibdib. Ah... sabi ko sa sarili ko, kaya pala hanep sa pula ang pisngi nito ay dahil malamang nasampal ito ng tatay niya dahil sa pagsira nito sa kutson ng silya nila para ilagay sa dibdib. Mukhang tuwang-tuwa naman ang kausap nitong porener, na malamang ay tumitira ng mamahaling katol sa Amerika. Kaya ako ay Dragon katol parin, at least malinaw pa rin ang mata ko. Hindi kaagad ako naka recover sa matinding pagkagimbal sa mga nasaksihan kong pangyayari. Sa makatuwid ay dali-dali akong tumakbo papalabas para humanap ng pinakamalapit na simbahan. Paglabas ko ay medyo nakalimutan ko na kaya demeretso na lang ako sa paglalakad pauwi ng bahay.
Habang papalayo ako sa mga internet shop ay nasabi ko sa sarili ko na iba na talaga ang mga kabataan ngayon. At napatunayan ko rin na tumatanda na ako dahil nasabi ko na iyan. Bago ko pa tuluyang naipagkanulo ang sarili ko sa pag amin, ay ibinalik ko ang pag i-isip sa mga nakita. Iba na talaga. Dati kasi makikita mong busog ang kalsada ng mga pawisang bata na nagtatakbuhan at nagkakasiyahan sa mga larong mataya-taya, tumbang preso, agawan base at Chinese garter na aaminin kong sinubukan ko rin. Karaniwang away ng mga bata noon ay ang pandurugas ng batang mataba, uhugin at pikon sa luksong baka, itatago ko siya sa pangalang Eman. Paano naman kasi, tuwing titira na ang pambato namin na si Jerson, payat at matalino, maraming tex sa t-shirt, itatataas ng bigla ni Eman ang niya para sumayad si Jerson at mataya. Minsan minalas si Jerson at sumubsob ito sa grabahan at nalagasan ng isa sa nalalabing apat na ipin, bulok pa ang isa. Ayun buntalan na. Agad kaming inawat ni aling Tess sa pamamagitan ng paghabol ng tsinelas sa mga nagsasapukang bata. Sigeng habol ni aling Tess, ang may-ari ng tindahan ng pinagdarausan namin ng laro at away ang harapan.
Ngayon kapansin-pansin ang linis ng kalsada. Puwede na yatang lapagan ito ng eroplano dahil wala na'ng mga bata, wala nang kalat. Dati kasi kung nagmamaneho ka ay malilito ka sa mga kalsadang ito kung dadaan ka dito sa oras na may pasok ang mga bata. Di mo mawawari kung historical astec site ba ito dahil sa ibat-ibang nakaguhit rito. Mga guhit lang pala ng piko, step-no, at mga tantos ng iskor ng mga naglalabanang grupo sa patintero, putbol at shato. Ngayon, wala nang sigawan. Wala nang mga sugat na kailangan gamutin ng lola kapag uwian na mula sa laro sa hudyat ng alas seis. Magagamot na ng mga "Health Pack" ang mga tama nila ng bala sa katawan sa nilalaro nilang mga bidyo game. Kung ngayon ay "Bawal Maglaro Ang Hindi Naligo", sa panahon noon ay bawal maglaro ang bagong ligo, kung ayaw mong mahataw ng buntot page na panakot ng lola, pero kahit kailan ay hindi ko pa nakita. Iba na talaga.
Hindi ko na mawari sa sarili ko kung talaga ngang mapalad ang mga kabataan ngayon o sila'y mga biktima ng komersiyalismo at teknolohiya. Kung noon ay pinoproblema ni Lolita Carbon at Pendong Aban ng bandang ASIN ang hanging lalanghapin ng mga bata, ngayon ay hindi na problema iyan dahil naglalaro na sila sa mga de air-con na mga silid, nakikipagbarilan at nakikipag madyikan. Hindi na nila kailangan ng sariwang hangin para habulin ang hininga mula sa pagkahingal dahil sa pakikipagtakbuhan habang naglalaro ng langit-lupa. Kaya naman puwedeng puwede ng dumihan ang hangin, walang magrereklamo. Hindi na rin nila kailangan ng mga punong aakyatan 'pag naglalaro ng taguan, o di kaya'y para silayan ang kursunada nilang kapitbahay. Dahil ngayon ay masisilayan na nila ito sa Friendster ay Myspace. Ano pa ang kasasabikan sa pag-akyat ng puno kung sa mga nilalaro nilang bidyo game ay nakakapunta sa ibat-ibang mga planeta at maging mga daigdig ng pantasya na nararating lang natin sa pakikinig sa kuwento ng lolo natin saliw sa sayaw ng kandila.
Aanuhin pa ang puno...?
Kaya naman puwede nang baragin ang mga bundok, putulin ang mga puno. Walang magrereklamo.
Dati kapag brownout ay napakasaya ng mga bata. Dahil marahil ito ang panahon na nagkakaipon-ipon ang buong pamilya, nakapalibot sa kandila, walang ibang magawa kundi magkuwentuhan. Natatandaan ko pa noong nauso ang brownout noong panahon ni For.Pres. Aquino, Madalas magbrownout dahil sa power crisis noong mga panahon na iyon. Libang na libang ang mga bata dahil sa maraming bentaha nito sa amin. Nadaragdagan ang oras ng paglalaro kahit lampas na alas-seis. Mainit, nasa labas lahat ng tao, kaya kung lalabas ang bantay, lalabas at maglalaro ang mga bata. Mag a-away muli kami ng batang mataba, uhugin at pikon sa luksong baka na si Eman, pagtatalunan namin ang tanda kong iskor namin sa naputol na laro kanina. Manduduga pa sana.
Tuloy ang laro.
Sige ang kuwentuhan ng mga mga matatanda sa gilid-gilid na manaka-naka'y halos mapatid and litid sa pagsaway sa mga apo'ng nandaraya sa tex. Makalipas ang ilang oras ay kandila parin ang superstar sa aming bahay. Halos 'di ko na maatim ang atungaw ng mga nagkakantahang tropa ng kuya ko sa akumpanya ng gitara ng erpat ng tropa ni Emerson na hiniram ni Makmak, pinsan ni Badong, 'yung tambay sa bahay nila Bon-bon.
Gitara ng bayan.
Habang kinakanta nila ng pilit ang best hits ni Rick Astly at mga makabasag utak sa taas na mga kanta ng Air Supply, nilabas ng tatay ko ang papag at nahiga sinesenyasan akong tumabi sa kaniya. Habang tinuturo niya ang mga constelations, na wala naman akong nakabisado ni isa, ay nanggigitata ako sa pawis at damang dama ko ang organic na "kuwintas" sa leeg ko na hindi inaabot ng sando ko na pinanloob ko pa galing sa iskuwela. Hindi pa ako nakakaligo dahil naunahan ako sa banyo ng katulong namin. Nagba-body scrub pa.
Tuloy ang kuwento ng tatay ko habang lumilipad ang utak ko. Iniisip ko kung nakatingin din kaya sa mga butuwin ang crush kong si Mylene. Iyon yung crush ko mula pa noong pasukan ng Grade1 hanngang Grade1 second week. Tapos si Maya naman, 'yung anak ng librarian.
--------
Sigawan ang lahat. May ilaw na. Saka tatahimik ang lahat, magliliwanag ang kalsada, magtutunugan ang mga TV at muling sasabog ang bapols ni mang Lino sa tugtog ng "Like A Virgin". Malungkot na mag uuwian na ang mga bata. Parang medyo pumayat si Eman sa tindi ng takbuhan.
Kung noon ay hindi malirip ang kaligayahan ng mga bata noon kapag brownout, malamang ay mag aamok ang mga bata ngayon kapag nagba-brawnawt at naputol ang pakikipaghampasan nila ng mahiwagang alikabok sa online game na nilalaro nila. Wala nang saysay ang mga kandila ngayon, na para bang inimbento lang para maghudyat ng kuwentuhan. Mayroon nang mga genereators at UPS (
Uninteruptible Power Supply). Kailan kaya huling tumingin sa mga bituwin ang mga kabataan ngayon para isipin ang crush nila? Kailang kaya huling tumakbo ang mga bata ngayon na parang mauubusan ng lupa? Kailang kaya sila huling umakyat ng puno? Kailan kaya sila huling nakinig ng kuwento nang nakapaikot sa kandila? Natatakot pa kaya ang mga bata ngayon sa baril, pulis at bala gaya ng panginginig natin noon kapag sinasabi ng lolo natin "ipahuhuli kita sa mamang pulis"... Natatakot pa kaya sila sa mga awtoridad na pangkaraniwan na nilang pinagbababaril sa mga bidyo game na nilalaro nila?
Sumusulat pa kaya sila ng love letter?
Mapalad nga ba sila?
=========
Si Eman pala payat na ngayon. Pero pikon parin, lalo na 'pag nabasa niya ito.